MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi makaraang tumalon sa Lacson bridge sa Quiapo, Maynila kahapon ng umaga.
Binawian ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang hindi pa nakikilalang biktima na tina tayang nasa gulang na 25-31-anyos. Walang inireport sa alinmang istasyon ng Manila Police District (MPD) ang insidente bagamat naka-blotter ito sa JRRMC patients blotter.
Ayon sa security guard ng ospital, dakong alas- 6:44 ng umaga kahapon nang isugod ng isang Carlos Purification ang babaeng tumalon umano sa bridge na agad namang binigyan ng atensiyon ng emergency duty doctors subalit idineklarang patay dakong alas-7:03 ng umaga kahapon.
Sa pahayag ng information clerk ng JRRMC, hindi pa umano kilala ang babae.
Ang insidente ay hindi nairekord maging sa MPD-Homicide Section, sa MPD-District Tactical Operation Center (DTOC) o maging sa MPD-Station 3 at Plaza Miranda-Police Community Precinct (PCP). (Ludy Bermudo)