Ginang patay sa nagwalang lasing

MANILA, Philippines - Isang ginang ang patay habang dalawa pa ang nasugatan makaraang saksakin ng isang nagwawalang lasing matapos na mag-away ng kanyang asawa sa lungsod Quezon kamakalawa.

Si Salome Mahinay, 35, residente sa Zamboanga St., Brgy Payatas A sa lungsod ay binawian ng buhay sa Fairview General Hospital dahil sa tama ng saksak sa dibdib.

Ayon kay SPO2 Neil Garnace ng CIDU ng Quezon City Police, bukod kay Mahinay sugatan din sa insidente sina Anna Gepenio at Jason Ramboyong na nagtamo ng sugat sa braso.

Tinutugis naman ng awtoridad ang suspect na nakilala sa alyas na Tasyo na mabilis na tumakas. Sinasabing nagwala ang suspect matapos na mag-away ng asawang si Josie.

Habang nagtatalo, si Tasyo ay nakikipag-inuman at nagbi-videoke naman ang tatlong biktima ganap na alas -7 ng gabi. Dahil sa galit, sinuntok ni Tasyo ang isang alyas Banonoy na umano’y nagbibiro sa kanya saka umalis ng kanilang bahay.

Ilang minuto ang lumipas, muling bumalik sa kanyang bahay si Tasyo na may dalang dalawang patalim at kinom­pronta ang asawa.

Tinangka namang kausapin ni Mahinay si Tasyo, ngunit sa halip na pumayapa ay ito ang pinagbalingan ng kanyang galit at sinaksak sa dibdib.

Gayundin ang ginawa kina Gepenio at Ramboyong pero maging sila ay inundayan ng saksak ni Tasyo, saka mabilis na tumakas.

Agad na dinala ang mga sugatang biktima sa East Avenue Medical Center kung saan nasawi si Mahinay. (Ricky Tulipat)

Show comments