MANILA, Philippines - Nagbuo na ng Task Force Mayor ang Southern Police District (SPD) upang tumutok sa imbestigasyon sa pamamaslang kay jueteng whistle blower Wilfredo “Boy” Mayor na tinambangan kamakalawa sa Pasay City.
Inatasan ni SPD Director Chief Supt. Jaime Calungsod si Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta na pamunuan ang 10-man task force. Sinabi ni Petrasanta na una nilang hihilingin na makuha ang video footage ng CCTV camera ng City State Tower Hotel and Casino sa kanto ng A. Mabini at Padre Faura sa Ermita, Maynila na pinanggalingan ni Mayor sa pag-asang makakakuha ng lead sa imbestigasyon.
Posible umano na sa casino pa lamang ay sinusubaybayan na ng mga salarin ang galaw nito at maging ang pagsakay sa kotseng Volvo dahil sa alam ng mga ito kung saan ito eksakto nakapuwesto sa kabila na heavily tinted ang sasakyan.
Nakatakda ring imbitahan ng Task Force ang isa pang jueteng witness na si Sandra Cam at maging si Archbishop Oscar Cruz upang kunan ng kanilang pahayag.
Ipinagtanggol naman nito ang sarili sa sinasabing kawalan ng seguridad sa kabila ng ipinapatupad na gun ban. Sinabi nito na nagsasagawa naman umano sila ng checkpoint ngunit nang maganap ang krimen ay katatapos lamang nila kaya nakalusot ang apat na suspek.
Samantala, bukod naman sa pagbubunyag ng na sawi na pagtanggap umano ng Unang Ginoo at ng iba pang opisyal ng pamahalaan sa jueteng, tinitingnan ding anggulo ng pulisya ang pagiging contractor nito sa mga proyektong imprastruktura sa pamahalaan.
Idinagdag ni Petrasanta na magpapadala siya ng imbestigador sa Daraga, Albay upang alamin kung anu-anong mga proyekto ang pinasok nito, kung sino ang mga nakausap at kung may nakabitin na proyekto at pagkakautang.