MANILA, Philippines - Isang 54-anyos na binata ang inaresto ng pulisya kamakalawa ng gabi dahil sa umano’y panggagahasa at pagkakabuntis niya sa isang 15 anyos na dalagita sa bahay nito sa Barangay Central, Quezon City.
Ang suspek na dinala sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District ay kinilalang si Jaime Mondal, residente sa Block 18, Lot 8, Barangay Botol, Dasmariñas, Cavite City.
Sinasabing nangyari ang pang-aabuso sa biktima sa pagitan ng August 2009 hanggang December 20, 2009.
Sinasabing ang suspek ay naunang iinampon o kinupkop ng mga magulang ng biktima sa kanilang bahay dahil wala umano itong kamag-anak.
Naging katulong ng pamilya ang suspek sa kanilang tindahan sa loob ng 23 taon kaya hindi lubos maisip ng mga una kung bakit nito ginawa ang naturang pang-aabuso.
Inamin umano ng suspek na inaabuso niya ang dalagita tuwing magbubukas siya ng tindahan sa madaling-araw.
Pinapasok umano niya ang bata sa loob ng kuwarto saka nito pupuwersahing gawan ng kahalayan.
Hindi agad makapagsumbong ang biktima sa kanyang mga magulang, dahil sa takot sa banta ng suspek na papatayin silang lahat kaya kinimkim lamang ito ng una.
Subalit, dahil may nakitang kakaiba sa kinikilos at katawan ng biktima, napuna ito ng kanyang mga magulang dahilan upang ipatingin siya sa duktor nitong Enero 8.
Sa pagsusuri ng mga doktor, lalong ikinadismaya ng mga magulang ang resulta nang malamang positibong nagdadalantao ang biktima na kagagawan ng suspek.
Hindi tumigil ang mga magulang ng bata sa paghahanap kaya nagtanong-tanong sila sa kinaroroonan ng suspek hanggang sa may nagsabing nanunuluyan ito sa isang lugar sa Cavite City.
Nagpasya ang pamilya ng biktima na magtungo sa nasabing siyudad at nagpatulong sa barangay hanggang sa madakip ang suspek. (Ricky Tulipat)