MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 62 anyos na retiradong pulis-Makati matapos mabagok ang ulo nang mahulog mula sa ikatlong palapag ng kaniyang bahay habang nakikipagtalo sa lasing na nangungupahan sa kaniyang paupahang kwarto sa Malate, Maynila kahapon ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Cesar Sandajan ng 115-A Zapanta St., Singalong, Malate habang isinasalang sa imbestigasyon ang tenant nitong si Manuel Checa, 63-anyos.
Sa ulat ni Det. Jonathan Ruiz ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 12:30 ng madaling-araw nang dumating umanong lasing si Checa at nagwawala dahil wala nang nagbubukas sa kaniya sa pintuan.
Nang buksan umano ng asawa nitong si Maria ang pinto ay hindi pa rin tumigil sa pag-iingay si Checa na nakabubulahaw sa mga natutulog na iba pang tenant.
Dahil narinig ito ng biktimang nakatira sa ikalawang palapag, umakyat ito at pinagbawalang mag-ingay ang suspek na lalo pa umanong nag-ingay hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo.
Inaalam din kung aksidenteng nahulog o sadyang itinulak ang biktima ng suspek kaya nahulog sa ground floor. (Ludy Bermudo)