MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may 3,096 piraso ng mga pekeng “Guess” na damit na nagkakahalaga ng P9 na milyon sa isinagawang raids sa Parañaque City.
Kabilang sa mga sinalakay ay ang Windblown Trading, Shineberry General Merchandise, Lucill Trading, Jonathan Chow at Carmie Padua na matatagpuan sa warehouse 2. #53 Tambo, Parañaque City.
Ang raid ay isinagawa matapos na magreklamo ang Diversion Industries, Inc./Guess Inc. dahil sa trademark infringement at unfair competition.
Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Nina Antonio Valenzual ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 28.
Nakumpiska sa nasabing raid ang may 3,096 piraso ng pekeng “Guess” na tatak na nagkakahalaga ng P9.228 milyon. (Gemma Amargo Garcia at Ludy Bermudo)