SWS binira ang pekeng survey sa Quezon City
MANILA, Philippines - Ipinaalala kahapon ng Social Weather Station sa publiko na walang mga numero o figures na nakasaad sa huli nilang survey sa voter preferences sa Quezon City, yaon mang naipalabas o hindi pa naipapalabas.
Ginawa ng SWS ang paalala para pabulaanan ang isang kolum ni Pablo Hernandez III na “Prangkahan” sa Bulgar na nagsasabing, sa survey, nakakuha si Quezon City Vice mayoralty candidate Joy Belmonte ng 39 percent habang si Aiko Melendez naman ay 38 percent.
Sa special Dec.16-19, 2009 Quezon City survey na inisponsor ng isang Mr. Estrada at ipinalabas noong Enero 14, nakakuha si Belmonte ng 60% habang 19 percent si Janet Malaya at 17 percent si Melendez.
Pinuna ng SWS na ang naturang ulat ay isang halimbawa ng kaduda-dudang journalistic practice of reporting hinggil sa unverified material na nagmula rin sa anonymous source.
Nanawagan ang SWS sa publiko na manatiling bumase sa website nito sa www.sws.org.ph para sa opisyal na survey figures na ipinapalabas. Kulang-kulang nang tatlong buwan bago maghalalan pero nagiging karaniwan sa ilang media outlet na magpalabas ng mga survey na ginawa umano ng SWS pero hindi naman binabanggit kung sino ang sponsor nito.
Idiniin ng SWS na ang mga report na hindi binabanggit ang pinagmulan ay mga blind item lang o tsismis.
Sinabi pa ng SWS na hindi sila sumasagot sa mga tanong tungkol sa mga blind item.
- Latest
- Trending