Rider lasog sa nagkakarerang dump truck
MANILA, Philippines - Patay agad ang isang 29- anyos na lalake matapos na mabundol ang sinasakyan nitong motorsiklo ng nagka karerahang dump truck sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Joe Fulgosino, ng #48 Sopocoy St.,Brgy Manresa, sa lungsod.
Hawak naman ng pamunuan ng Traffic Sector 6 ang dalawang driver ng dump truck na sina Celso Potes, 43, driver ng Isuzu truck (TST-740) at Lolito Andres Oco,41, driver ng Isuzu truck (RDU-882).
Ayon kay Vicente Marasigan, traffic investigator ng Traffic Sector 6, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quirino Highway Brgy. Sangandaan sa lungsod pasado alas-2 ng madaling- araw.
Binabaybay umano ng biktima sakay ng kanyang Honda Bravo motorcycle (1465–NF) ang nasabing lugar patungo sa direksyon ng Balintawak nang pagsapit sa harap ng Mercury drug ay biglang sumalubong dito ang nag-uunahang dalawang dump truck.
Ayon kay Marasigan, unang sumalpok ang motorsiklo ng biktima sa gilid ng truck ni Potes matapos na umobertake ito sa truck ni Oco kung saan dito naman muling humampas ang una.
Sinasabing nagawa agad na makapag-preno ni Oco kung kaya pumailalim lamang ang motorsiklo at ang biktima sa unang gulong nito.
Subalit dahil matindi ang pagkakasalpok ng biktima sa dalawang truck, napinsala ang buong katawan at ulo ng biktima na agad na ikinamatay nito.
Ayon sa mga saksi, matulin umano ang takbo ng nasabing mga truck na tila nagkakarerahan kung kaya hindi nila napansin ang paparating na motorsiklo ng biktima.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property ang kinakaharap ngayon ng mga driver ng dump truck.
- Latest
- Trending