Family driver todas sa 3 armado

MANILA, Philippines - Patay ang isang family driver matapos na paulanan ng bala ng mga armadong suspect habang ang una ay sakay ng kanyang minama­nehong Tamaraw FX sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Monico Ordinesa, 58, ng   Veteran Village, Area-6, Brgy. Holy Spirit, sa lungsod.

Si  Ordenisa ay nagawa pang isugod sa Sioson General Hospital ngunit bi­nawian din ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa mukha at katawan.

Natukoy naman ang isa sa mga salarin sa alyas na Betong na ngayon ay target na ng pagtugis ng awtoridad.

Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng de Leon St., Brgy. Holy Spirit ganap na alas-5:30 ng umaga habang sakay ng kanyang Tamaraw FX (UFK-902) ang biktima nang biglang humarang sa daraanan nito ang isang kotseng Toyota Revo na hindi naplakahan.

Mula dito ay bigla na lamang pinaulanan ng bala ng mga suspect ang sasakyan ng biktima saka mabilis na nagsitakas.

Patuloy ang imbestigas­yon ng otoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang motibo ng pamamaslang sa biktima. (Ricky Tulipat)

Show comments