MANILA, Philippines - Upang maitaguyod ang minimithing maayos at tahimik na eleksyon sa lungsod Quezon, nagsagawa kahapon ng peace covenant signing ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) na ginanap sa Sulu Hotel.
Ayon kay Chief Supt. Elmo San Diego, QCPD director, ipinatawag nila ang peace covenant signing upang bigyang-diin sa mga kandidato na tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa lungsod sa kanilang tungkulin at responsibilidad para sa mapayapa at credible na eleksyon.
Nakiisa sa nasabing hangarin si Mayor Sonny Belmonte, kasama sina NCRPO chief Director Roberto Rosales at Police Deputy Director General Jefferson Soriano.
Kabilang din sa nakiisa sina Atty. Ronald Allan Sindo, chairman ng Joint Security Control Center at Election Office IV, 1st District Quezon City; at Bro. Johnny Cardenas ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Sa pamamagitan ng puting board na nakalagay ang mga alituntunin tungkol sa mapayapang election, sama-samang pumirma ang mga nabanggit na opisyal ng PNP at PPCRV kasama ang mga kandidato sa lokal na posisyon sa lungsod. (Ricky Tulipat)