MANILA, Philippines - Matagumpay na natapos ang ika-limang taong pagdiriwang ng Philippine Cancer Society’s Relay for Life 2010 na isinagawa sa Amoranto Sports Complex noong Pebrero 19 hanggang 20.
Ang Relay for Life 2010 ay isang overnight event na layuning mapalawak ang kaalaman ng mga indibidwal hinggil sa sakit na kanser at suportahan ang mga taong may ganitong sakit.
Umaabot sa 3,000 katao ang nakiisa sa naturang okasyon mula sa limang samahan, siyam na support groups, 64 QC barangays at 20 department / offices mula sa lokal na pamahalaan.
Ang naturang pagtitipon ay personal na pinangasiwaan at binuksan ni QC Vice Mayoralty bet Joy Belmonte na siyang Chairman ng Relay for Life ngayon.
Sinabi ni Belmonte sa okasyon na patuloy niyang susuportahan ang adhikain ng programa at higit na palalawakin ang proyekto at aktibidad para sa kapakanan ng mga cancer patients.
Tampok din sa okasyon ang Luminaria bilang pag- alaala sa mga mahal sa buhay na yumao na dahil sa sakit na cancer.
Nakalikom ang Philippine Cancer Society ng milyong pisong halaga ng cash at goods donation mula sa mga sponsors, donors at advocates. (Angie dela Cruz)