MANILA, Philippines - “Hindi kita patatahimikin. Babangon ako at maghihiganti.”
Ito ang banta ng isang 30- anyos na lalaking nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti dahil sa hindi makayanang paghihinagpis nang kalasan ng nobya sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Det. Lester Evangelista ang nasawi na si Ruel Marasigan Perez, assistant baker at stay-in sa Bread Avenue bakery na matatagpuan sa #38 Vicente Cruz St., Sampaloc, Maynila.
Ilang oras nang patay si Perez nang matagpuan dakong alas-2 ng madaling- araw kahapon ng kasamahang si Richard Hipolito. Huli itong nakitang buhay dakong alas-10 ng gabi ng Martes habang nakikipagtalo sa kanyang nobya na kinilalang si Corita.
Sobrang dinamdam umano ng biktima ang pakikipagkalas ng nobya lalo na nang iwan na ito dahil sa tumitinding pagtatalo.
Matapos iyon ay hindi na umano narinig o nakita ng mga kasamahan si Perez hanggang sa madiskubre na nga ang ginawa nitong pagpapakamatay.
Nagulat umano si Hipolito nang makitang nakabitin na sa tangke ng tubig sa wash area ang biktima at nakapulupot sa leeg nito ang kable ng kuryente na nakasabit sa bakal ng water tower.
Dinatnan ng homicide investigator na nakabitin pa ang biktima at ang suicide note ay nakasulat pa sa suot nitong sleeveless na t-shirt at nagpapakita ng sobrang galit sa kanyang kasintahan sa loob ng apat na taon.
Bukod sa mga nakasulat na “Hindi kita patatahimikin. Babangon ako at maghihiganti”, may nakasulat ding “Ate wala kayong kasalanan. Si Corita lang ang dapat managot .”
Patuloy pang inaalam kung nagkaroon ng foul play sa insidente ng pagpapakamatay.