Tsinoy trader kinidnap sa Quezon City
MANILA, Philippines - Dinukot ng apat na hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na nakasuot ng t-shirts na may tatak na “Police” ang isang negosyanteng Chinese sa Brgy. Bungad, Quezon City nitong Martes.
Sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Jonathan Chua ng Cycle Mass Marketing na matatagpuan SFDM, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang pagdukot sa biktima sa kahabaan ng Judge Luna St. malapit sa panulukan ng De Jesus St., Brgy., bungad ng nasabing lungsod.
Kasalukuyang minamaneho ng biktima ang kanilang kulay maroon na company car na isang Mitsubishi Lancer (WTH-188) patungo sa kanilang tanggapan at pagsapit sa lugar ay hinarang ng mga armadong suspect.
Ang mga suspect ay sakay naman ng isang dark colored na behikulo na may plakang ZMC-216 ay agad na tinutukan ng baril ang biktima at kinaladkad pababa sa kanyang sasakyan at isinakay sa sasakyan ng mga suspect.
Sa inisyal na beripikasyon na isinagawa ng mga awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) nabatid na ang plate number ng sasakyan na ginamit ng mga suspect ay nakarehistro sa isang Isuzu vehicle Model 2007 na kulay puti at nairehistro noong Enero 2008.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy ang grupo ng mga kidnappers at mailigtas ang biktima.
- Latest
- Trending