MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang operatiba ng PNP Aviation Security Group (PNP-ASG) matapos na maaktuhan itong nagmamaneho ng isang hot car o nakaw na sasakyan sa isinagawang operasyon sa Tayuman, Maynila.
Kinilala ang nasakote na si SPO4 Fridel Gamez matapos na nabigo itong makapag-pakita ng certificate of registration at official receipt sa minamaneho nitong Ford Sedan na napag-alamang nakaalarma sa rekord ng PNP-HPG.
Ayon sa ulat, ang suspect ay naaresto sa Tayuman St. , Manila bandang alas -5:30 ng hapon kamakalawa.
Sinabi ng opisyal na naispatan ng HPG-NCR operatives ang naturang hot car na minamaneho ni Gamez matapos na lumabag sa trapiko.
Hindi na nakapalag si Gamez matapos na makorner ng mga kapwa nito pulis sa nasabing lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, natukoy na ang pulang Ford car na may nakakabit na plakang WFK-347 ay kabilang sa talaan ng mga wanted na motor vehicles sa HPG na nakaalarma sa PNP-HPG matapos karnapin habang nakaparada sa kahabaan ng Taft Avenue, Manila noong Nobyembre 2001. (Joy Cantos)