MANILA, Philippines - Natusta nang buhay ang isang 63-anyos na lola makaraang ma-trap sa nasusunog nitong bahay nang tangkaing sagipin umano ang kanyang pera at mga gamit kamakalawa sa Quezon City.
Kinilala ni Chief Insp. Benjamin Elenzano Jr., hepe ng homicide section ng Quezon City Police ang biktima na si Aireen Pilot, ng Banahaw St., Brgy. San Martin de Porres, sa lungsod.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente pasado alas-10 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Nauna rito, dumalaw ang biktima sa bahay ng kaibigang si Cita Davalos para makipagkuwentuhan nang makarinig sila ng malakas na pagsabog at bagsakan ng mga salamin mula sa tinutuluyan ng una.
Agad na pinuntahan ng biktima ang nasabing pagsabog hanggang sa tumambad ang apoy mula sa ikalawang palapag ng kanyang tinutuluyan.
Sinasabing dahil may naiwang pera at mahalagang gamit ang biktima sa kanyang kuwarto ay nagpumilit itong pumasok sa naglalagablab na apoy, hanggang sa tuluyang ma-trap ito sa loob ng bahay.
Tumagal ng halos 30 minuto ang sunog kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima na halos hindi na makilala. Inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunog. (Ricky Tulipat)