MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ligtas sa lindol ang mga gusali sa lunsod maging yaong condenado.
Ang paniniyak ay ginawa ni Engr. Melvin Balagot, City Chief Building Official, kasunod na rin ng pangamba at ulat na madaling pabagsakin ng lindol ang mga gusali sa lungsod.
Iginiit ni Balagot na nagsasagawa sila ng regular na inspeksiyon sa mga gusali upang malaman kung ang mga ito ay sumusunod sa regulasyon ng city hall.
Ayon kay Balagot, taun-taon ay iniinspeksiyon nila ang mga gusali sa lungsod upang malaman kung ang mga to ay nagkaroon ng sira o anumang bitak na posibleng maging panganib sa publiko.
Sakali anyang ideklarang kondenado ang isang gusali, agad nila itong irerekomenda sa may-ari kasabay ng kanilang koordinasyon sa Department of Public Works and Highways.
Kung hindi pumayag ang may-ari na gibain ang gusali, siya ang mananagot kung magkaproblema at sakuna sa mga maaapektuhan. (Doris Franche)