Quezon City mobile health center nakahanda na

MANILA, Philippines - Nakahanda nang magbi­gay ng serbisyong medikal ang pinakabagong mobile health center ng Quezon City para sa mga mahihirap na taga lunsod.

Sa ilalim ng mobile health center on wheels program ng pamahalaang-lungsod, hindi na kailangang pumunta sa mga regular health center ang maysakit upang magpa­gamot.

Ang mobile health center ay kumpleto sa kagamitan at medical staff na susuri sa mga mahihirap na pasyente.

Ayon kay Dr. Antonieta Inu­merable, hepe ng QC Health Department, naglaan ng halagang P6 milyon ang pamahalaang-lungsod para sa implementasyon ng health center on wheels program na bahagi sa adhikain ni QC Mayor Feliciano Belmonte na malabanan ang kahirapan sa lungsod.

Sinabi ni Inumerable na nag­lalaman ang mobile health center ng laboratory at dental facilities gayun din ng examination room kasama ang mga doctor, dentista at health worker mula sa city health department.

Ayon kay Belmonte, ma­ha­lagang pagtuunan ng pan­sin ang pagbibigay ng serbis­yong medikal sa mga mama­mayan upang matiyak ang kanilang kalusugan na isa sa kanyang adhikain bilang punong ehekutibo ng lungsod. (Angie dela Cruz)

Show comments