MANILA, Philippines - Inaresto at ikinulong ng pulisya ang isang teller ng isang money changer shop matapos mabigong ibigay sa isang negosyanteng nagpalit ng US dollar ang katumbas ng $1,900 o halos P100,000 sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Manila Police District-Station 3 Chief P/Supt. Nelson Yabut ang suspek na si Jaymar Sunglao, residente ng Tayuman Street, Sta. Cruz, Maynila. Inireklamo siya ng isang Ericson Bote, negosyante at residente ng Aramismis St. Veterans Village, Project 7, Quezon City.
Sa ulat ni Yabut, dakong alas-4:30 ng hapon nitong Linggo nang maganap ang insidente sa ikalawang palapag ng isang shopping mall sa CM Recto, Quiapo.
Sinabi ni Bote na nagtungo siya sa Monies Money Changer para magpapalit ng kaniyang dolyar.
Matapos ibigay ang kabuuang US$1,900 kay Sunglao ay nagpasiyang bumili ng maiinom sa tapat ng money changer si Bote.
Nang bumalik ay tumanggi na si Sunglao na ibigay ang kapalit na peso bills dahil ibinigay na umano sa isang lalaki na nagmamadaling umalis.
Hindi pinaniwalaan ni Bote ang paliwanag ni Sunglao at nagreport ito sa pulisya dahil imposible umanong ipagkatiwala ang ganung kalaking halaga sa isang hindi kakilala. (Ludy Bermudo)