MANILA, Philippines - Kamatayan ang sinapit ng isang 64-anyos na lolo sa pagtatampisaw sa kaligayahan sa piling ng isang 49-anyos na dalagang-ina makaraang atakihin siya sa puso sa loob ng isang motel kamakalawa ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Edilberto Nuñez, may-asawa, ng #2190 P. Binay Street, Barangay Bangkal, Makati City.
Nabatid na dakong alas-9:11 ng umaga nang atakihin sa puso si Nuñez matapos na magreklamo ng pananakit ng dibdib sa loob ng isang kuwarto sa Rotonda Hotel sa kanto ng EDSA at Taft Avenue sa Pasay City. Nauna rito, nag-check-in si Nuñez at ang kasama nitong babae na itinago na lamang sa pangalang Baby sa kahilingan nito.
Agad namang naisugod sa Pasay City General Hospital si Nuñez sa tulong ng mga tauhan ng motel ngunit hindi na rin umabot ng buhay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Baby na dati na rin naging magkasintahan sila ni Nuñez noong mas bata pa sila na nagbunga ng isang supling. Ngunit hindi naman sila nagkatuluyan hanggang sa magkaroon na ng ibang asawa si Nuñez.
Sa kabila ng matagal na panahong pagkakahiwalay, hindi umano nawala ang pagmamahal ng babae sa biktima kaya nang muling magkrus ang kanilang landas ay kapwa hindi nakapagpigil at idinaos sa naturang hotel ang kanilang pananabik sa isa’t isa.