MANILA, Philippines - Sinalakay ng pinagsanib na puwera ng National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Smuggling Group ang isang display lot sa Marikina City kung saan nasamsam ang limang unit ng used Korean-made vehicles na hinihinalang iligal na ipinuslit sa bansa at idinaan umano sa Manila International Container Port, ayon sa ulat kahapon.
Sa bisa ng isang mission order na nilagdaan ni PASG Secretary Antonio “Bebot” Villar Jr., tinungo ng mga operatiba ang Stars Truck Co. sa J.P. Rizal St., Barangay Concepcion Uno, Marikina City noong Biyernes sa pangunguna ni Atty. Edmund Arugay, hepe ng PASG-NBI-Special Operations Group.
Tinatayang mahigit sa P3 milyon ang mga sasakyang Sanyong Korandos na natagpuang naka-display, kahalo ng iba pang mga sasakyan.
Ang mga nasabing sasakyan ay dumating sa bansa at dumaan sa MICP noong Setyembre 2009 na naka-consign umano sa Parkload Inc. na pag-aari ng isang Korean national na si Peter Park habang ang broker umano ay isang “Mylene Tales.” (Ludy Bermudo)