Bus passengers binalaan sa bagong grupo ng mandurukot
MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police sa mga sumasakay sa pampasaherong bus na mag-ingat matapos mapaulat ang bigong pagsalakay ng pitong kalalakihang mandurukot sa isang bus sa kahabaan ng Edsa kahapon ng umaga.
Reaksyon ito ng pulisya makaraang humingi ng tulong sa himpilan ng Police Station 10 ng QCPD ang driver ng Five Star Bus na si Roberto Belmonte at conductor na si Salvador Trinidad dahil sa pag-atake ng pito hanggang siyam na kalalakihan sa kanilang bus.
Ang nasabing mga suspek ay hindi mga armado ngunit ang pakay ay dukutan ang mga katabi nilang mga pasahero sa nasabing bus.
Sinabi ni Belmonte na sumakay umano ang mga suspek sa kanilang bus at nagkunwaring mga pa sahero pasado alas-5:00 ng madaling -araw.
Naghiwalay-hiwalay ng upuan ang mga suspek at pagsapit sa Edsa corner Timog, napuna umano ni Salvador ang isa sa mga suspek na dinudukot ang pitaka ng isang pasahero.
Pinigilan ni Salvador ang suspek dahilan upang maalarma ang mga ito at agad na magsipagbabaan.
Ngunit, bago tuluyang lumayo, nagsipagdampot ang mga suspek ng bato at pinagbabato ang bus sanhi upang magkabasag basag ang bintana at windshield nito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending