MANILA, Philippines - Winakasan ng isang 45-anyos na lalaki ang kanyang buhay sa mismong araw ng kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili kamakalawa ng gabi sa Malate Maynila.
Nakapulupot pa sa leeg ni Avelino Bajet, miyembro ng Manila City Hall -City Security Force (MCH-CSF) ang asul na kumot nang matagpuan ng kanyang live-in partner na si Rosanna Sicat, ng San Andres St., Leveriza, Malate, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -9 ng umaga ng huling makitang buhay ni Sicat ang biktima kung saan nakikipag-inuman ito sa kanyang mga kaibigan dahil nagdiriwang ng kanyang birthday.
Dakong ala-6 ng gabi nang katukin niya ang biktima sa kuwarto at hindi sumasagot. Dito na nagduda si Sicat hanggang puwersahan niyang binuksan ang pintuan at doon niya nakita ang walang buhay na ka-live in.
Sa pahayag ni Sicat sa pulisya, madalas na nagiging emosyonal at sentimental ang biktima kapag nalalasing bunsod na rin ng kanyang problema sa trabaho.
Dinamdam umano nito ang ginawang pagsasampa ng kaso sa kanya ng kapwa CSF, sa Ombudsman dahil sa indiscriminate firing.
Ipinakita pa umano kay Sicat ng nasawi ang complaint sheet na isinampa sa kanya at labis umanong naapektuhan ang biktima sa naturang kaso.