'Hijack me', sinisilip ng MPD
MANILA, Philippines - Binubusisi ng Manila Police District kung ‘hi-jack me’ sa pinakahuling insidente ng pagtangay sa P2-milyong halaga ng asukal, ng limang lalaking suspek, sa Malate, Maynila bago narekober ang trailer truck sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni C/Insp. Randy Maluyo, hepe ng MPD-Anti Carnapping and Hijacking Unit (ANCAR), ipapatawag nila ang truck driver na si Dexter Fiel, 43, ng Tondo, Maynila at Edwin Gaizano, 21, helper ng Bagong Silang Caloocan City upang magpaliwanag hinggil sa idinulog nilang reklamo ng panghi-jack sa kanilang delivery truck dakong alas-11:00 ng gabi sa kanto ng Marcelino st., at Quirino Ave., Malate, Maynila. Sinabi ni Fiel na habang minamaneho nito ang isang Fuso tractor head (RJN 489) na may body number na Acro Trans at trailer (PUN 800I) na may kargang 40 footer van na naglalaman ng 800 bags na refined sugar ay hinarang sila ng isang grupo na sakay ng kulay itim sa Toyota Sedan na hindi naplakahan.
Nagmula ang truck sa Pier 16, North Harbor patungo sanang planta ng Coca-Cola, sa Sta. Rosa, Laguna. Aniya, pinababa sila ng truck at puwersahang isinakay sa kotse at pinayuko habang bumibiyahe at ang truck ay kinumander ng grupo sa hindi umano nila nakitang direksiyon.
Nang ibaba sila ng mga suspek umano ay nakita nilang nasa Makati City na sila bago nagpunta sa pulisya. Gayunman, sinisilip ng MPD kung bakit hindi sumunod si Fiel sa instruksiyon ng amo niya, na makipag-convoy sa tatlong truck. Ipinagtataka rin na ang pinangyarihan ng insidente ay maliwanag at matao. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending