MANILA, Philippines - Binatikos ng transport group ang Land Transportation Office matapos ihayag na sa susunod na taon na lang ito mag-rerefund ng perang naibayad ng mga car owners para sa Radio Frequency Identification Device (RFID).
Ayon sa grupong Bangon Transport at Progress and Reforms Oriented Transport organization Network Inc., kinakailangang maibalik sa loob ng taong ito ang RFID fee sa mga motorista dahil hindi naman naipatupad ang naturang proyekto at walang naging pakinabang dito.
Kinuwestiyon din ng Proton ang LTO sa pagtatanggol nito sa Stradcom Corporation dahil ang huli ang dapat na magrefund ng RFID fee dahil ito ang naningil sa mga motorista.
Umaabot sa 90,000 motorista ang humihingi ng refund ngayon sa Stradcom Corporation matapos na ito’y iutos ng Malacañang.
Inatasan din ng Korte Suprema ang LTO na pahintuin ang paniningil ng RFID fee matapos na katigan ang petisyon ng Piston, Anakpawis, Bayan Muna at Gabriela dahil ito ay ilegal at hindi dumaan sa bidding bukod pa sa hindi aprubado ng NEDA. (Butch Quejada)