MANILA, Philippines - Nasawi makaraang pagbabarilin ng isa sa limang armadong kalalakihan ang bise-presidente ng isang tricycle association sa isang terminal sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Ricardo Flores, 52, operator at bise presidente ng North Triangle Alliance Tricycle-Operators and Drivers Association (TODA) at residente ng Tinio St., NPC Ville. Tandang Sora sa lungsod.
Patuloy ang pangangalap ng impormasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang nasabing mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang pamamaril.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa loob ng central terminal na matatagpuan sa Edsa corner Quezon Avenue sa lungsod ganap na alas-6 ng gabi.
Sinasabing nakaupo ang biktima at umiinom ng tubig sa isang karinderya dito nang lapitan siya ng limang suspect.
Isa sa mga suspect ang nagbunot ng baril saka pinaputukan ang biktima sa ulo, habang ang ibang kasamahan nito ay nagsilbing back up.
Matapos ang pamamaril ay naglakad lamang ang mga suspect na parang walang nangyari at iniwang walang buhay ang biktima.
Ayon kay Rey Bantilan, security guard, nakarinig umano siya ng sigaw mula sa suspect ng katagang “Yun ang suwail” saka ang putok ng baril.
Sinasabing tinangka pa ng sekyu na habulin ang mga suspect, ngunit maging ito ay pinaputukan ng mga huli ngunit nagmintis at ang tinamaan ay ang nakaparadang Nissan Urban sa nasabing lugar.