4 miyembro ng international drug ring, timbog
MANILA, Philippines - Nahulog sa kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na pinaniniwalaang miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS), isang grupo na responsable sa drug trafficking at human trafficking kasabay ng pagkakaligtas sa tatlong prospective victims para gawing ‘drug courier’ habang paalis ng bansa, sa Angeles City, Pampanga, iniulat kahapon.
Nasamsam sa mga nadakip ang 20.0170 gramo ng high-grade cocaine hydrochloride at paraphernalias.
Iprinisinta kahapon ni NBI Director Nestor Mantaring ang mga suspek na isang Pinay at 3 Guineenne nationals na kinilalang sina Eliza Quiros Dimalanta, alyas “Elisa Coles Quiros” ng San Bartolome, Concepcion Tarlac; Mazibane Phelmelo Cassim, 40; Marcel Bakayoko, 27 at Camara Ibrahim Sekou, 36, pawang nakatira sa Room 101, Vitug Apartment, Narciso St., Malabanas, Angeles City.
Sa ulat ni Head Agent Roel Bolivar, hepe ng Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID) kay Deputy Director for Intelligence Services (DDIS) Ruel Lasala, isang Arnold Glorioso ang nagsumbong sa kanila matapos pagdudahan ang suspek na kilala nila sa pangalang “Liza” na recruiter niya patungong China.
Sa reklamo, noong Pebrero 12, 2010, nagbigay umano ng instruksiyon sa kaniya si Liza na magtungo sa isang fast food chain sa Dau, Pampanga, subalit bago pa siya tuluyang magtungo roon para sa seminar ay isinuplong na niya sa mga ahente ng NBI kaya sinamahan siya ng isang undercover agent na sumaksi sa lahat ng pangyayari sa isinagawang briefing sa loob ng nirentahang Vitug apartment ng mga suspek na dayuhan.
Doon ay nakasama nila ang dalawa pang biktima na sina Benjamin Mendioal at Jinky Cleofe, na tinuruan din sa kung paano lulunin ang capsulized na cocaine at kung paano itatago sa kanilang luggage patungo sa destinasyong bansa.
Kabilang umano sa pangako ni Liza sa nasabing overseas workers na magbibiyahe patungong China, Malaysia, Hongkong at Ecuador at sahod na US$2,500 hanggang US$3,000 kada lakad nito upang magdeliber.
Sa modus operandi ng mga suspek, ilalagay ang ilang gramo ng kapsulang cocaine sa isang plastic bago ito ipapalunok sa “courier” gayundin ang paraan ng pagtatago ng iba pang droga sa loob ng isang maleta na hindi mapupuna ng mga awtoridad.
Patungo na sa bansang China ang tatlo na inihahatid ng mga suspek nang harangin at dakpin ng mga ahente ng NBI sa bahagi ng Malabansa, Angeles City patungong Clark Airbase.
Inihain na sa Office of the City Prosecutor ng Angeles City, Pampanga ang mga kasong paglabag sa RA 9165 section 5, (drug trafficking) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; RA 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) at RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga suspek.
- Latest
- Trending