Ikinakabit na campaign materials posibleng pagmulan ng sunog-BFP
MANILA, Philippines - Dapat na seryosohin umano ng Commission on Election (COMELEC) at ng Local Government Units (LGUs) ang kanilang kampanya laban sa mga naglipanang campaign materials na nakakabit sa hindi awtorisadong mga lugar dahil sa posibleng pagmulan ito ng sunog lalo ngayong tumitindi na ang init na panahon na nararanasan sa Metro Manila.
Ito ang sinabi ni Senior Supt. Pablito Cordeta, director ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region, dahil anya sa ang mga materyales na gamit sa mga idinidikit at ikinakalat na campaign posters ay nabibilang sa mga bagay na madaling magdingas o magliyab kahit walang direktang kontak sa apoy.
Hinahalimbawa ng opisyal, ang prinsipyo ng tinatawag na “spontaneous combustion” kung saan ang isang bagay ay kusang nagliliyab dulot ng labis na init kahit hindi ito nalapatan man lamang ng apoy.
Dagdag ni Cordeta, kung mananatili ang mga campaign materials sa paligid o dingding ng mga kabahayan ay hindi malayo umanong pagmulan ito ng sunog ngayong nararamdaman na ang maalinsangang panahon sa Metro Manila.
Sabi pa ng opisyal, kung sa ibang mga bansa na labis na ang tag-init ay nararanasan na ang mga grass fire o pag-apoy ng mga dayami kahit hindi sinisilaban ang mga ito, posibleng mangyari din umano ito sa atin bunga na rin ng mainit na panahong nararanasan sa kasalukuyan.
Nauna nang iginiit ng COMELEC na ang paglalagay ng mga campaign poster o campaign materials sa maling paraan ay isang paglabag sa batas kaya todo ang panawagan ng mga ito sa mga kandidato hingil dito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending