MANILA, Philippines - Isang 50- anyos na umano’y bading ang nasawi matapos na saksakin at takluban ng supot na plastic sa kanyang ulo nang hindi pa nakikilalang salarin na nanloob sa kanyang tahanan sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Enrico “Jeric” Esquerra, 50, binata, ng San Jose St., Brgy. Damayan, sa lungsod.
Sinabi ng isang opisyal ng barangay sa lugar, bukod sa plastic na nakabalot sa mukha ng biktima sinaksak din ito ng icepick sa batok na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, nawawala umano ang mga kagamitan ng biktima, tulad ng laptop computer, printer, DVD player, at cell phone.
Hinihinala rin ng awtoridad na nanlaban ang biktima, dahil nagkalat ang mga gamit nito sa kusina, maging sa sala.
Ayon sa mga residente, bago natagpuang bangkay ang biktima, dalawang lalake umano ang nakitang kausap nito sa kanyang bahay sa dis-oras ng gabi.
Sa ulat ni SPO3 Juan Mortel, may hawak ng kaso, pasado alas-9 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng kanyang pinsan na si Nelie Sta Ana na nanunuluyan sa ikalawang palapag ng nasabing bahay habang nakadapa sa sala ng bahay nito kung saan ito natutulog.
Ayon kay Sta Ana, huli niyang nakitang buhay ang biktima ganap na alas- 8 ng gabi kung saan nag-usap pa sila nito bago nagpaalam na matutulog.
Sinasabing nag-iisa lamang umano sa kanyang bahay ang biktima at sinusustentuhan lamang ng kanyang mga kaanak na nasa ibang bansa.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Ricky Tulipat)