Riding in tandem, todas sa shootout
MANILA, Philippines - Kapwa bumulagta ang dalawang kawatan na ang isa umano ay matagal nang sangkot sa carnapping habang ang kasama ay sa pagpapakalat at pagbebenta ng mga pekeng salapi, sa isang dragnet operation ng Manila Police District-Station 2 sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Enrique “Iking” Chan, 43, ng Tondo, Maynila, at isang nakilala lamang sa alyas na “Nog-Nog”.
Kasama sa operasyon ang hepe ng MPD-Station 2 na si Supt. Ernesto Tendero, na nagkumpirma sa media na ang dalawa ay matagal ng wanted sa batas kaugnay sa kasong carnap at counterfeiting o paggawa at pagbebenta ng pekeng salapi.
“Partners in crime sila, isa carjacker at yung isa naman ay sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng pera, may kanya-kanya silang ‘galing’ sa kawalanghiyaan,” ani Tendero.
Kabilang umano sa nabiktima ng dalawa ang isang pulis-Maynila na tinangayan nila ng motorsiklo habang nakaparada umano sa Tondo.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:45 ng madaling araw kahapon nang maganap ang shootout sa harap ng M.H. del Pilar Elementary School, sa Jose Abad Santos Avenue, pagitan ng Mayhaligue at Bambang Sts., sa Tondo.
Nabatid na matagal na umanong hinahanting ng grupo ni Tendero ang mga suspek nang ipaalam sa kanila ng kanilang impormante na nasa lugar ang dalawa kaya agad ikinasa ang pag-aresto.
Sa beripikasyon pa lamang sa dalawa ay mabilis nang umiwas ang mga ito sa mga operatiba at habang papatakas na magka-angkas sa motorsiklo, pina putukan ang mga pulis na nauwi sa engkuwentro.
Narekober ng homicide investigators ang 2 pirasong .38 kalibre ng baril sa tabi ng mga nasawi.
- Latest
- Trending