MANILA, Philippines - Mas matapang at mas nakakatakot na babala ang ipapaskil ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga mapanganib na kalsada upang mapagbawalan ang mga matitigas na ulo na pedestrian na patuloy na tumatawid sa abalang kalsada sa kabila ng napakaraming aksidenteng nagaganap.
Ilalagay ang bagong paskil sa mga lugar na may naganap nang aksidente at may nasawi na upang takutin ang mga jaywalkers sa panganib sa sarili nilang buhay.
Bukod dito, nagbabala rin si MMDA Chairman Oscar Inocentes na paiigtingin ang kampanya kontra jaywalking kung saan ipinag-utos sa mga traffic enforcer ang pagbabantay at agarang pag-aresto sa mga jaywalker na nahaharap sa multa at iba pang parusa.
Inatasan na rin nito ang kanilang Traffic Engineering Center ang pagkakabit ng mga anti jaywalking signs sa iba’t ibang bahagi ng EDSA, Commonwealth Avenue at Marcos Highway.
Gagamit ngayon ang MMDA ng mga kulay pula, puti at itim na siyang standard regulatory signs na papalit sa kulay pink ng ahensya sa mga traffic signs.
Muling hinikayat ang mga tumatawid sa kalsada na gamitin na lamang ang mga itinayo nilang footbridges para maiwasan ang disrasya. (Danilo Garcia)