1st voters education sa mga preso inilunsad
MANILA, Philippines - Dahil ang mga preso ay makakaboto na rin, sinimulan kahapon ng isang non-government organization (NGOs) ang pagsasagawa ng kauna-unahang voter’s education sa loob ng bilangguan sa Quezon City kahapon ng tanghali.
Ayon kay P/Supt. Nestor Velasquez, jail warden ng QC Jail, ang voter’s education ay pinangunahan ng The Prisoner’s Rehabilitation and Empowerment Service Organization (PRESO Inc.) matapos na mabigyan ng pagkakataon ng Commission on Elections ang mga preso na makaboto sa May 10.
Sinasabing may 259 na kalalakihan at 30 kababaihang preso ang lumahok sa nasabing programa kung saan tinuruan ang mga ito na bagong pamamaraan ng pagboto at pagpili ng iboboto sa darating na election.
Ayon naman kay Comelec Commissioner Rene V. Sarmiento, president ng PRESO Inc., ang suporta ng kanilang organisasyon para maipasa ang minute resolution sa Comelec en banc na nagpapahintulot sa mga preso na makapagrehistro at bumuto ay hindi nagtatapos lamang dito.
Sa kasalukuyan, may 2,800 ang populasyon ng mga bilanggo sa City Jail, na ayon kay Sarmiento ay malaki ang maitutulong sa mga preso para maitaas ang kanilang kalagayan dahil sa kauna-unahang pagkakataon makikita ng mga kandidato ang kanilang kahalagahan bilang parte ng mamamayan sa bansa. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending