2 dinedo ng ex-kagawad
MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang kumpirmadong napatay ma tapos pagbabarilin ng dating barangay kagawad kaugnay sa matagal na alitan, sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jose Gayola Burton, alyas “Bong”, 41, biyudo, ng #2400 Ext.-B,Vitas Tenement, at Perlito Legarda Medina, 31, ng #532 Vitas Tenement, Vitas St., Tondo, Maynila.
Samantala, tugis naman ng pulisya ang suspek na si Tomas Gonzales, 45, may-asawa, ng #509 Vitas Tenement, Vitas St.,Tondo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na ilang taon na ang nakalipas nang ipinakulong ni Gonzales si Gayola.
Hindi nagtagal ay nakalaya si Gayola at muli nagkrus ang landas ng dalawa hanggang sa kamuntik nang magkasuntukan kung saan naawat naman at naayos ang problema nang pagharapin sa barangay hall.
Kamakalawa, ay muling nagkrus ng landas ang dalawa kung saan namataang bumubunot ng baril ang suspek kaya agad na nagtatakbo ang biktima na minalas namang makorner kaya naputukan ito ng ilang ulit. Nang awatin naman ni Medina ang suspek ay siya naman ang binaril. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending