MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan ang iniulat na nasawi makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng pulis-Makati kamakalawa ng gabi sa Barangay Bangkal, Makati City.
Patuloy na bineberipika ang pagkikilanlan ng dalawa kung saan inilarawan nasa 20 hanggang 30-anyos, may taas na 5’2’’ hanggang 5’4”, katamtaman ang katawan habang ang ikalawa ay may edad na 40 hanggang 50-anyos, nasa 5’4”-5’6”, at may pangangatawang payat.
Samantala, isa sa dalawang holdaper na nakatakas ay nakilalang si Reynaldo Macario na nahaharap sa iba’t ibang kaso.
Nabatid na naispatan ng pulisya ang tatlong suspek sa aktong binibik tima si Reggie Anihal kung saan tinangay ang cellphone nito at pera matapos holdapin sa panulukan ng South Superhighway at Capinpin Street sa Brgy. Bangkal.
Mabilis namang rumesponde ang mga pulis kung saan nagkaputukan kung saan bumulagta ang dalawa habang nakatakas naman ang dalawang iba pa sakay ng puting Nissan Sentra (WJD-971).
Natagpuan naman ang sasakyan na inabandona sa may Rivera St. sa Baclaran, Parañaque City kung saan may bahid ng dugo na palatandaang sugatan ang dalawa na sinasabing miyembro ng kilabot na grupong Sako Gang.