Ivler puwede na sa arraignment
MANILA, Philippines - Maayos na ang kondisyon at maari nang dumalo sa mga pagdinig sa korte ang murder suspect na si Jason Ivler kahit nagpapagaling pa sa ospital dahil sa tinamong sugat sa pakikipagbarilan sa mga ahente ng National Bureau of Investigation.
Ito ang sinabi ng ilang impormante sa Quezon City Memorial Medical Center kahapon bilang tugon sa kondisyon ni Ivler kung nararapat na itong lumabas ng ospital para dumalo sa nakatakdang arraignment o pagbasa ng sakdal laban sa kanya sa Martes sa Quezon City Regional Trial Court.
Sinabi ng impormante na kaya na naman ng katawan ni Ivler ang bumiyahe dahil maayos na naman ang kalagayan nito maliban lamang umano sa mga sugat na natamo nito na hanggang sa ngayon ay inoobserbahan pa rin nila.
Si Ivler ay nakatakdang isalang sa arraignment bukas sa sala ni Judge Alexander Balut ng branch 76.
Si Ivler ay nasugatan matapos na makipagpalitan ng putok sa NBI agents na nagse-serve ng warrant para sa kanyang pag-aresto noong January 18 dahil sa pagpatay kay Renato Victor Ibarle Jr., anak ng isang opisyal ng Malakanyang dahil sa simpleng away trapiko. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending