Obrero todas sa gumuhong pader
MANILA, Philippines - Minalas na nasawi ang isang obrero makaraang madaganan ng gumuhong pader sa isang konstruksyon na proyekto ng pamahalaan, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Edgardo Flores, makaraang matagalan na makuha ang katawan nito nang malibing sa gumuhong pader at putik.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa proyektong “Roxas Canal North Inland Channel” sa south-bound ng Roxas Boulevard ng naturang lungsod.
Nabatid na abala ang biktima sa pagtatayo ng naturang pader kasama ang kapwa obrero na si Jose Grimpluma, 29, nang bigla itong gumuho at matabunan ang biktima.
Naging mas masuwerte naman si Grimpluma nang makaiwas sa pagguho at agad na humingi ng tulong sa kanilang foreman na si Rolando Almoros. Pinagtulungan ng mga ito na iahon ang katawan ni Flores saka isinugod sa pagamutan kung saan hindi na ito naisalba.
Nabatid naman sa imbestigasyon na ang kompanyang JD Legaspi Construction ang kontraktor ng naturang proyekto na gumagawa ng daluyan ng tubig-baha sa panahon ng tag-ulan.
Inaalam naman ng pulisya kung nagkaroon ng kapabayaan ang kontraktor ng naturang proyekto at ang pananagutan nito sa nasawing tauhan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending