Motels, hotels, apartelle imo-monitor ngayong Valentine
MANILA, Philippines - Kaugnay na rin sa nalalapit na Araw ng mga Puso, mahigpit ang isinasagawang monitoring ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga motel, hotel at apartelle upang maiwasang magamit ang mga ito sa anumang uri ng prostitution at paglaganap ng iba’t ibang sakit.
Ayon kay City Administrator Jesus Mari Marzan, kailangang maging mahigpit ang mga motel owners upang mabigyan ng proteksiyon mula sa mga Sexually Transmitted Disease (STD) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) ang mga papasok o magtse-check-in sa mga motel, hotel at apartelle sa lungsod ng Maynila alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim.
Sinabi ni Marzan na isa sa mga paraan na maaaring gawin ay ang paghingi ng mga Identification Card sa mga magtse-check-in upang masiguro na walang mga menor-de-edad na makakalagpas. Dapat din umanong maging responsable ang mga kostumer at ang mga management ng mga ganitong establisimento.
Hindi rin umano dapat na kunsintihin ng mga negosyante at may-ari ng mga motel, hotel at apartelle ang mga basta na lamang pagpapasok ng mga menor-de-edad para lamang kumita. Aniya, mas dapat na pairalin ng mga ito ang moralidad at pagbibigay proteksiyon sa mga kostumer upang maiwasan din ang pagkalat ng mga sakit kabilang ang mga STD at AIDS. (Doris Franche)
- Latest
- Trending