Walang pambili ng gamot, mister nagbigti
MANILA, Philippines - Dahil sa kakulangan ng pera para punan ang pambili ng gamot sa matagal nang nararamdamang sakit sa sikmura, minarapat ng isang 51-anyos na mister na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Wenceslao Saldua, ng Elga St., Brgy. Tatalon sa lungsod ay naabutan na lamang walang buhay na nakabigti sa kisame ng kanilang comfort room ng kanyang asawang si Erlinda, 52, ganap na alas-4 ng hapon.
Ayon sa ulat, isang suicide note ang iniwan ng biktima kung saan nagsasaad ng paalala sa kanyang asawa na laging mag-ingat at alalahanin ang sarili. Nakasaad din dito na inihanda na ng biktima ang lahat ng dokumento tulad ng SSS para maging maayos ang lahat sa kanyang pag-alis.
Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima ganap na alas- 2 ng hapon. Matagal na umanong nagtitiis ng matinding sakit na nararanasan sa kanyang sikmura ang mister at dahil sa kahirapan, hindi umano matugunan ang pinansyal na pangangailangan nito para sa gamot na siyang hinihinalang dahilan para ito magpakamatay. Gayunman, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending