MANILA, Philippines - Dahil sa nalalapit na pagtatapos ng klase, inatasan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang Manila Police District (MPD) na mas paigtingin ang pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan upang hindi masangkot sa mga rambulan at hindi kanais-nais na gawain.
Nais ng alkalde na hindi matulad ang mga kabataan sa isang insidente na napanood sa telebisyon, bagamat hindi sa Maynila, kung saan ang mga kabataang nagkakatuwaan ay biglang nauwi sa rambulan hanggang sa nasangkot pati ang kanilang mga nakatatandang kapatid.
“Hindi na dapat pang hintayin na mangyari ang ganito sa Maynila kaya naman inaatasan ko ang pulisya na paigtingin ang pagpapatupad ng curfew hours bilang proteksyon sa mga kabataan,” giit ni Lim.
Umapela rin si Lim sa mga barangay official na tiyakin na wala nang pakalat-kalat na menor- de-edad simula alas-10 ng gabi hanggang alas- 4:00 ng madaling-araw na kadalasang oras de peligro.
Sa ipinatutupad na curfew o City Ordinance 8046, aarestuhin ng mga barangay officials at pulis ang mga lalabag dito at saka lamang iti-turn over sa kanilang mga magulang o guardians at kung walang bahay o abandonadong kaba taan naman ay ikukostudiya sila ng Manila Youth Reception Center ng Manila-Social Welfare Department. (Ludy Bermudo)