MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan sa loob ng kanyang opisina ang isang 42-anyos na engineer at contractor nang pagsasaksakin at paluin pa ng tubo sa ulo ng apat na lalaking nagpang gap na mga aplikante, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Ilang minuto nang patay nang madiskubre ang nakahandusay na si Engr. Edwin Cosme, may-ari ng EA Cosme Contractor na matatagpuan sa 2101 Dapitan corner Ibarra Sts., Sampaloc, sanhi ng mga saksak at palo sa ulo.
Hindi pa matukoy kung sinu-sino sa mga aplikanteng nagtungo sa opisina ng biktima ang responsable sa pagpatay at pagnanakaw dahil marami umanong aplikante ang walang isinumiteng biodata o anumang papeles.
Sa ulat ni Det. Jonathan Ruiz ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa ika-2 pa lapag ng opisina ng biktima. Karinderya naman ang ibabang palapag nito.
Sa pahayag ni Joan Pingol, 20, pamangkin ng biktima at food attendant sa karinderya, nagbabantay siya sa karinderya nang dumating ang isa sa staff ng biktima at nagtanong sa mga bakas ng dugo sa sahig kaya nagsiakyat sila at doon natuklasang nakalugmok sa lamesa ng kanyang opisina ang biktima.
Sinabi naman ni Gng. Teresa Cosme, asawa ng biktima, kumain umano ang apat na lalaki sa kanilang karinderya at matapos kumain ay umakyat upang mag-aplay ng trabaho.
Nasanay na umano sila sa mga aplikante na kumakain at umaakyat na lamang sa opisina ng biktima. Hindi rin umano nakikialam si Teresa sa operasyon ng opisina ng biktima dahil tutok lang siya sa karinderya
Tatlong saksak ang nakita sa katawan ng biktima bukod pa sa matinding palo ng tubo sa ulo nito. Ilang gamit din umano ng biktima ang nawawala at ang bag ni Teresa na naglalaman umano ng salapi at mga alahas.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente upang matukoy kung sino ang posibleng gumawa ng krimen.