MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon sa Commission on Election ang isang barangay chairman na ikonsiderang ideklarang isa sa mga hotspot sa darating na halalan ang Maynila dahil sa mga krimeng may kaugnayan sa pulitika.
Ayon kay Chairman Elmar De Sagun ng Barangay 363, Zone 73, mahalagang makialam na ang Comelec dahil na rin sa nakakaalarmang insidente ng krimen sa lungsod bukod pa sa “political harassment’ na dinaranas ngayon ng maraming barangay leader lalo na yaong tagasuporta ni dating Environment Secretary Lito Atienza na kumakandidatong muli ngayon para sa pagka-alkalde ng Maynila.
Aniya, nangangamba ang marami sa mga barangay chairman na posibleng maging madugo pa ang halalan sa lungsod bunsod ng namuong personal na laban ng ilang kandidato sa lokal na halalan sa lungsod.
Nangangamba si De Sagun para sa kaligtasan ng kanyang pamilya at sa kanyang buhay. Aniya, hindi rin umano malayong mangyari sa kanya ang ginawang pagpapaulan ng bala sa Barangay Hall ni Chairman Rogelio “Roger Hapon” Reynaldo ng Barangay 774, Zone 84, Sta. Ana, Maynila at ang pagpatay sa isang Rosie Tiongco na residente ng Tondo, Maynila.