MANILA, Philippines - Papayag lamang si Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. na magsagawa ng paghuhukay ang mga water contractors sa mga bagong gawang kalsada kung kailangang-kailangang i-repair ang leak ng tubig sa lungsod.
Ito ang sinabi ni Belmonte sa isinagawang meeting sa pagitan ni National Security Adviser at National Disaster Coordinating Committee chair Norberto Gonzales kaugnay ng ginagawang programa ng city government bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño sa bansa.
“It is not a question about money. It is about sharing water with everybody,” pahayag ni Belmonte.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Belmonte ang Manila Water at Maynilad Water Services, Inc. na bawasan ang may 40 percent hanggang 60% kaso ng leak ng tubig sa Quezon City laluna sa may Cubao at Quirino district, gayundin sa Novaliches at Commonwealth water districts. Gayunman, binalaan ni Belmonte ang mga contractors na sundin ang kasalukuyang regulasyon hinggil sa paglilinis ng mga construction debris kapag natapos na ang proyekto sa isang lugar. Hindi anya maganda para sa isang kontraktor na basta na lamang iiwanan ang mga dumi pagkatapos na makumpleto ang proyekto sa isang lugar. (Angie dela Cruz)