MANILA, Philippines - Isang nagpapakilalang Insp. Samonte at apat pang nakasibilyang tauhan ng Manila Police District-Station 2 ang inirereklamo dahil sa umano’y pagdakip nila sa 20 katao sa Mabuhay Road 10 sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi nang walang kaukulang dahilan.
Ikinabigla ng mga biktima ang pahayag ni Samonte na lumabag umano sila sa City Ordinance 5555 o vagrancy gayong nakatayo lang sila sa harap ng kanilang mga bahay nang arestuhin sila.
Kabilang umano sa inaresto sina Dionisio Monreal Jr., Ricky Limpiado, Mario Guevarra at Ricardo Burag.
Sinabi ng isa sa mga biktima na dinala sila sa tanggapan ni Samonte at, doon, hiningan sila ng tig-P700 kapalit ng kanilang paglaya. Walang nagawa ang mga biktima kundi magbigay ng pera.