Lotto outlet nilooban
MANILA, Philippines - Umaabot sa P63,000 halaga ng mga taya ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw sa isang outlet ng Lotto na malapit lamang sa istasyon ng pulisya sa Brgy. Caniogan, Pasig City kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PO3 Harold Manaoil, imbestigador ng Pasig Police, dakong alas-9 ng umaga nang madiskubre ang panloloob sa Lotto outlet sa Mercedez Avenue, Brgy. Caniogan.
Nadiskubre ito ng isang empleyado nang pumasok sa trabaho. Agad namang iniulat ang insidente sa Pasig police station na may 200 metro lamang ang layo sa naturang lotto outlet.
Sa imbestigasyon, puwersahang sinira ng mga magnanakaw ang dalawang malaking kandado at saka tinangay ang buong maliit na kaha-de-yero na naglalaman ng perang taya sa naturang outlet.
Nabatid na karamihan sa mga nagsitaya bago madiskubre ang pagnanakaw ay tumaya sa Super Lotto 6/49 kung saan inaasahang lumobo na ang jackpot prize sa P120 milyon.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon at naghahanap ng mga saksi sa krimen ang pulisya upang maresolba ang krimen.
Hinihinalang isinagawa ang pagnanakaw sa disoras ng madaling-araw kung saan halos wala nang tao sa kalsada. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending