MANILA, Philippines - Upang matiyak na hindi magagamit sa pandaraya at pananabotahe sa darating na eleksyon ay isang direktiba ang ipinalabas ni Manila Mayor Alfredo Lim upang hanapin at tukuyin ang mga indibidwal na sinasabing nakabili na ng jamming device sa isang tindahan sa Sta. Cruz, Manila.
Ayon kay Lim, inatasan niya sina Chief of Staff Ric de Guzman, Electronic Data Processing head Gary Tan at ang puwersa ng Manila Police District upang matukoy ang mga bumili ng signal jamming device sa Xing Sheng Enterprises sa may Florentino St. sa Sta. Cruz.
Sinabi ni de Guzman na minomonitor na rin nila ang iba pang mga establisimyento na pinaniniwalaang lihim na nagbebenta ng signal jammer sa mga malls.
Iginiit naman ni Tan, hepe ng EDP, na madaling matukoy kung mayroong signal jamming device sa paligid at ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng AM-FM radio o kaya naman ay sa pamamagitan ng cellphone.
Aniya, kapag mayroong signal jamming na nagaganap ay makikita ang cellphone na walang signal habang ang radio naman ay maririnig na tumutunog.
Mahihirapan lamang itong matukoy kung ang signal jamming device ay ilalagay sa isang bahagi ng polling precinct tulad halimbawa sa kisame, ilalim ng silya, o sa mismong bulsa ng mga jammers.
Pinaliwanag din ni Tan na ang mga signal jamming device ay sinlaki lamang halos ng lapel o wireless microphone o malaki nang konti sa walkman kaya maari itong maibulsa.
Ang signal jamming device ay nagtataglay din ng apat na antenna kaya nahaharang nito ang pagpapasa ng information mula sa isang presinto patungo sa mother unit.
Nabatid kay Tan na ang signal jamming device na ito ang posibleng gamitin kung ipadadala na ang resulta ng bilangan mula sa isang polling precinct patungo sa Commission on Elections.
Sa panahong nai-interrupt ito ay maaari na nilang pasukan ng dinoktor na resulta at ito ang maipapadala sa Comelec. Maari namang mangyari ito sa pamamagitan ng pagha-hack sa website ng Comelec.