MANILA, Philippines - Sinalakay kahapon ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Manila City hall at Manila Police District (MPD) ang tindahan ng signal jamming device sa Sta. Cruz at Binondo sa Maynila.
Bunsod na rin ito ng nakuhang mga impormasyon kung kaya agad na nakipag-ugnayan sina MPD Station 3 chief, Supt. Nelson Yabut at MPD Station 11 chief, Supt. Rogelio Rosales kay Nelson Alivio, hepe ng Bureau of Permits upang pasukin ang Xing Sheng Enterprises na matatagpuan sa 541 Florentino Torres St.
Isang Vicente Tan na namamahala ng tindahan ang umamin na nakapagbenta na sila ng ilang signal jammers. Hindi naman nakalagay ang mga pangalan ng mga bumili ng signal jammers na isa ngayon sa mga ipupursige ng mga awtoridad.
Ayon kay Tan, dalawang taon nang nasa kanila ang nasabing device subalit ngayon lamang ito nabili.
Sinabi naman ni Yabut na ang pagbebenta sa mga indibiduwal na hindi inilagay sa resibo ang pangalan ay indikasyon na posibleng magamit ito sa isang kahina-hinalang operasyon.
Ang tindahan na pagmamay-ari ng isang Jose Li ay agad ding ipinasara matapos na walang maipakitang business permit at walang permiso mula sa National Telecommunications Company (NTC).
Pinaniniwalaang umaabot sa 5,000 signal jamming device ang naipasok sa bansa noong nakaraang linggo.
Nangangamba ang mga awtoridad na gamitin ang nasabing device sa pag-intercept ng mga cellphone signals maging ang pagpapa-antala ng transmission ng resulta ng automated elections sa Mayo.