Sunog sumiklab sa Parañaque at Pasay
MANILA, Philippines - Nawalan ng tirahan ang nasa 60 pamilya makaraan ang dalawang magkasunod na sunog sa Parañaque at Pasay City kamakalawa ng gabi.
Dakong alas-10:30 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng isang gusali na pag-aari ni Reuben Biaculo sa Dandan St., Brgy. La Huerta, ng naturang lungsod. Mabilis itong kumalat sa mga karatig na bahay at naapula lamang ng mga bumbero dakong ala-1 na ng madaling-araw kahapon.
Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa makikitid na eskinita na hindi mapasok ng kanilang trak ng tubig. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Dakong alas-9:50 naman kahapon ng umaga nang sumiklab ang ikalawang sunog sa bahay na pag-aaari ni Nelly Ello sa Vizcarra St., Malibay, Pasay. Naging mas masuwerte naman ang mga residente ng naturang lugar makaraang agad na maapula nang nagtulung-tulong ang mga residente sa pag-apula sa apoy.
Nagkaroon pa ng dahilan para sa mistulang piging ang mga residente nang pagsaluhan ang nalitson na dalawang baboy na alaga ng pamilya Ello. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending