MANILA, Philippines - Isang inhinyero ang sugatan makaraang barilin ng isang dating kaalitan habang sakay ng kani-kanilang sasakyan sa Barangay Kaunlaran, Quezon City, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ang biktima na si Jerald Labre, 29, ng #73 Boston St., Barangay Kaunlaran at ngayon ay ginagamot sa St.Luke’s Medical Center dahil sa tama ng bala sa kaliwang balikat.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang suspek na sakay ng isang itim na Nissan Cefiro na hindi naplakahan at mabilis na tumakas.
Sakay ng kanyang Hyundai Tucson (ZPH-188) ang biktima at papauwi na sa kanyang bahay nang sundan ito ng suspek sakay ng kanyang Nissan Cefiro.
Kasunod nito, biglang bumusina ng sunod-sunod ang naturang sasakyan saka umovertake sa kotse ng biktima.
Sa puntong ito, kapwa nagbukas ng bintana ng kanilang kotse ang dalawa at saka nagkomprontahan na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Ilang sandali, nagbunot ng kanyang baril ang suspek bago pinaputukan ang biktima sa kaliwang bahagi ng katawan at tumakas. (Ricky Tulipat)