MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi habang isang dating barangay chairman ang nasa kritikal na kundisyon sa tatlong insidente ng pamamaril sa Navotas at Malabon City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Ernesto Ompad, 50 anyos, ng Interior, North Bay Boulevard North, Navotas; at Enrique Manalo, 44 ng Hito st., Longos, Malabon.
Nanananghalian si Ompad dakong ala-1:50 ng hapon sa tapat ng kanilang tindahan nang lumapit ang isa sa dalawang suspek at agad na paputukan ang biktima ng dalawang beses sa ulo.
Dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi naman nang barilin si Manalo ng hindi nakilalang suspek habang umiihi ito sa likod ng isang bahay sa Governor Pascual Avenue sa Brgy. Catmon, Malabon. Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Samantala, patuloy na inoobserbahan ng mga manggagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Romancito Santos, alyas Kapitan Bunso, 54-anyos, dating chairman ng Barangay Concepcion, Malabon.
Nakikipag-inuman si Santos dakong alas-10:00 kamakalawa ng gabi sa mga kaibigan sa Joseph Estrada Housing Project sa Reyes Street, Brgy. Baritan nang sumulpot ang hindi rin nakilalang salarin at agad na pagbabarilin ang biktima. (Danilo Garcia)