Basura sa Pasig River mas dumami

MANILA, Philippines - Mas dumami sa kasalu­kuyan ang mga basura sa Pasig River na itinatapon dito ng ilang mga residente sa Metro Manila lalo na yaong mga naninirahan sa mga bahay sa paligid ng ilog.

Ito ang sinabi nina Jim­boy Mallari at Engineer Francisco Vargas ng Pasig River Rehabilitation Center na nagsabi sa pulong-bali­taan sa Tinapayan na mas dumami pa ang ba­sura mula sa “household waste” na itinatapon sa Pasig River sa loob ng nakalipas na 10 taon.

Lumitaw sa kanilang pag­sasaliksik na ginawa nitong nakalipas na 2000 hanggang sa kasalukuyan na nabawa­san nang 10 porsiyento ang mga industrial waste o ba­surang itina­tapon sa ilog ng mga pabrika at ibang esta­blisimiyento at limang porsi­yento naman ang domestic waste ngunit nadagdagan ng 10 porsiyento ang household waste.

Ang pagtaas umano ng household waste ay bunga ng pagdami ng tao sa Metro Manila gayundin ang mga informal settlers na ang mga ba­sura ay inihahagis na lamang sa Pasig River.

Gayunman, sinabi ni Mallari na dahil sa proyektong linisin ang ilog-Pasig, ma­ganda umanong balita na may mga isda nang bumabalik bagaman pinayuhan nila ang publiko na huwag kainin ang mga isdang nahuhuli rito dahil kontaminado pa ang tubig at marami pang toxic materials na nakahalo sa Pasig River.

Sa darating na 2015, inaasahan nila na mabubuhay na muli ang tubig sa Pasig River. Kabilang sa isinasa­gawang proyekto ang “dredging “ ng Pasig River at ang pagtatayo ng mga Sewerage system ng Maynilad at Manila Water Company na matata­pos sa 2025. (Doris M. Franche)

Show comments