Basura sa Pasig River mas dumami
MANILA, Philippines - Mas dumami sa kasalukuyan ang mga basura sa Pasig River na itinatapon dito ng ilang mga residente sa Metro Manila lalo na yaong mga naninirahan sa mga bahay sa paligid ng ilog.
Ito ang sinabi nina Jimboy Mallari at Engineer Francisco Vargas ng Pasig River Rehabilitation Center na nagsabi sa pulong-balitaan sa Tinapayan na mas dumami pa ang basura mula sa “household waste” na itinatapon sa Pasig River sa loob ng nakalipas na 10 taon.
Lumitaw sa kanilang pagsasaliksik na ginawa nitong nakalipas na 2000 hanggang sa kasalukuyan na nabawasan nang 10 porsiyento ang mga industrial waste o basurang itinatapon sa ilog ng mga pabrika at ibang establisimiyento at limang porsiyento naman ang domestic waste ngunit nadagdagan ng 10 porsiyento ang household waste.
Ang pagtaas umano ng household waste ay bunga ng pagdami ng tao sa Metro Manila gayundin ang mga informal settlers na ang mga basura ay inihahagis na lamang sa Pasig River.
Gayunman, sinabi ni Mallari na dahil sa proyektong linisin ang ilog-Pasig, maganda umanong balita na may mga isda nang bumabalik bagaman pinayuhan nila ang publiko na huwag kainin ang mga isdang nahuhuli rito dahil kontaminado pa ang tubig at marami pang toxic materials na nakahalo sa Pasig River.
Sa darating na 2015, inaasahan nila na mabubuhay na muli ang tubig sa Pasig River. Kabilang sa isinasagawang proyekto ang “dredging “ ng Pasig River at ang pagtatayo ng mga Sewerage system ng Maynilad at Manila Water Company na matatapos sa 2025. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending